Makulimlim ang buong kalangitan habang natagpuan ko ang sarili na nakahandusay ang buong katawan sa isang bahagi ng malawak na kaparangan.
Tila nagmamasid ang aking diwa sa kalawakan ng parang na iyon. Kaganda ng mga bulaklak na tila nagsasayawan. Ang mga ibong gala naman ay nakikita kong pumanhik na sa kani-kanilang punongkahoy habang inaawit ang kanilang pagpapahinga mula sa buong araw na kalayaan. Napapitlag ako. Mabuti pa ang mga halaman, batid ko ang kaligayahan nila habang nakikindayog sa mga hangin. Waring malaya nilang nailalabas ang kanilang damdamin! Nakakainis pagmasdan ang mga ibong tila nag-aawitan habang sinasambit nila sa isa't isa ang kanilang mga naramdaman mula sa buong araw na paglalakbay.
Wala akong karapatang mainis!
Wala akong karapatang mabalisa! Masaya naman ako, hindi ba? Masahing tao, aktibo, walang pinuproblema, nakaya lahat ng mga bagyo sa buhay--- ganyan ang pagkakakilala ng mga tao sa akin. Ganyan kasi ang lagi kong ipinapakita.
Ipinapakita ko ang sa tingin ko ay dapat nilang makita sa akin nang sa gayon ay makilala nilang malakas ako at hindi madaling nadadala ng anumang dagok ng buhay. Ganyan nga ang ipinakita ko sa kanila. Ngunit ang hindi nila alam- mahina ako. Hindi lang basta mahina. Mahinang-mahina!
Oo, mayroon akong hinahanap. Hindi ko alam kung ano ito. Naiilang akong tumingin sa mga halaman at ibong gala na malayang naipapalabas ang kani-kanilang damdamin!
Ang tangi kong alam na siyang lagi kong natatandaan, ay makulimlim ang langit.