May 14, 2012

Alaala ng Isang Ama

SIYA ang dahilan kung bakit naging bukod tangi ang aking pagkatao. Siya ang dahilan kung bakit sa mundong ito nagkaroon ng pagkakataon ang isang Junrey na makipagsapalaran. Siya ang dahilan kung bakit buo ang aming pamilya.

Oo, siya si Tatay- ang haligi ng aming pamilya.

Hindi matatawaran ang kanyang halaga sa aming mag-anak. Kung hindi dahil sa kanya ay maaring hindi rin kami nag-eexist sa mundong uto. Dahil kay Tatay, nagkaroon kami ng takot sa Diyos. Dahil sa kanya, natuto kaming magkakapatid upang maging uliran at kasiya-siya sa mata ng pamayanan at sa mata ng Diyos. Nang dahil kay Itay, namulat kaming mag-anak na igalang ang mga nakakatanda at pahalagahan ang mga magulang. Laking pasasalamat ang aming sambit sa Diyos dahil binigyan N'ya kami ng isang tatay.  Yes, binigyan N'ya kami ng isang mapagmahal, matapang, at masipag na isang ama.

Natatandaan ko pa, maaga siyang gumising sa umaga upang magtrabaho. Sa gitna ng tindi ng sikat ng araw, naroon pa rin siya sa "farm," kasama ang kanyang kalabaw, nag-araro. Kahit pagod ay hindi namin naratnan ang tatay na nagko-"complain." May oras pa nga siya upang makipaglaro sa amin. Sa kabilang panig, habang abala naman ang Inay sa pag-aalaga sa aming magkakapatid, naroon din ang Itay upang tulungan kaming mamulat sa mga wastong pag-uugali. 

Ngayong wala na siya sa piling namin, tanging alaala na lang ng Itay ang nanatiling buhay sa piling naming mag-anak. Dagok ang narating ng aming pamilya simula nung siya ay pumanaw. Sa isip at puso ko, buhay pa rin ang Itay. Hind maikakaila na hanggang ngayon, halos nangungulila pa rin ako sa aking ama. Maging sa panaginip, dumadalaw pa rin ang aming masasayang alaala.

Oo, nanatiling buhay si Itay sa aking alaala. Ito lamang ang tangi kong paraan upang maibsan man lang ang dinaramdam kong pangungulila. Inaamin kong naiinggit ako sa mga kakilala kong kapiling pa rin ang kani-kanilang ama. Gustung-gusto ko pa rin ng isang ama- na kapiling mo araw-araw, masisilayan mo sa bawat paggising sa umaga at bago matulog sa  gabi, malalapitan mo sa lahat ng oras, makakausap mo sa tuwing kailangan mong kausapin, at higit sa lahat, isang "father figure" na mapapadama mong proud ka na naging anak ka niya. Ang tanging nagbibigay sa akin ng di matatawarang saya sa ngayon ay ang pakiramdam sa tuwing may isang ama na nagpapadama sa akin at tinuturing akong kanyang anak.

Patuloy akong nangungulila. Patuloy akong umaasa. At sa bawat pagdaloy ng aking luha, kasabay naman nito ang isang damdaming nananampalataya- na kahit papaano, naging masaya si Itay sa aming piling. At lagi kong isinasapuso na sa lahat ng mga bagay, kahit hindi man niya nakikita at nararamdaman, I always see to it that he will be proud of us; that he will be so proud of me.

I miss you, Pa.