Feb 26, 2012

Rosas ng Tagumpay

"Ang bawat isa sa atin ay biniyayaan ng Diyos sa kakayahang magtagumpay sa anumang tatahaking larangan. Magtatagumpay ka, anuman ang pangarap mo, maging sino ka man, mayaman ka man o mahirap."

Madalas kong naririnig at nababasa ang ganitong uri ng paalala. At sa tuwing naiisip ko ito, unti-unting tumitibay ang aking paniniwala na maabot at makamtan ang rurok ng tagumpay sa aking minimithi sa buhay- ang maging isang ganap na tagapagtaguyod ng pag-ibig ng Diyos. Bawat isa sa ay may pangarap at batid kong lahat ay may kakayahang makamtan ang mga pangarap. Sa aking murang isipan, alam ko na may mga hakbang na dapat isagawa upang ang mithiin ko'y makamit.

Una, kinailangan kong maging maagap at seryoso sa buhay. Ang bawat oras ay mahalagang oportunidad upang maisagawa ang mga makabuluhang bagay sa buhay. Iiwasan ko ang pag-aaksaya sa aking oras sa pamamagitan nang di paggugol nito sa mga bagay-bagay na maituturing kong balakid lamang. Sinasabing ang oras ay ginto. Bawat oras ay mayroong kaakibat na halaga at nararapat lamang na hindi ko ito sasayangin. Pangalawa, nararapat na positibo ang aking pananaw upang harapin ang anumang balakid sa buhay habang tinatahak ko ang landas patungo sa rurok ng tagumpay. Iisipin kong lagi ang mga taong nagbibigay sa akin ng inspirasyon at gayahin ang ulirang birtud na aking nakikita sa kanila.

Sinasabing ang ating buhay dito sa mundong ibabaw ay hindi pawang matiwasay at kaligayahan; may mga suliraning ding pilit bumabalakid at madalas, ang mga suliraning ito ang nagpapatibay sa aking sarili upang mas mapabubuti ko pa ang aking sarili bilang paghahanda sa hinaharap. Pangatlo, aangkinin ko ang mga kapuri-puring ugali at mga pagpapahalaga sa buhay. Sisikapin kong hindi ako mapariwara at tuluyang mawala sa tamang landas ng buhay. At higit sa lahat, patuloy akong mananalig sa Kanya. Mananatiling buo at matibay ang aking loob sa pagharap sa mga suliranin sapagkat alam kong sa bawat araw, Siya ay lagi kong kasama- sa lungkot man o sa ligaya.

 Para sa akin, ang buhay ng tao ay parang isang rosas. Ang matamis na halimuyak nito ay maihahambing sa inaasam na tagumpay samantalang ang mga tinik naman nito ay ang mga balakid. Tunay na kaasam-asam ang halimuyak ng tagumpay. Gagawin ko ang lahat upang sa bandang huli, hindi ko mailalagay sa kahihiyan ang aking sarili. Gagawin ko ang lahat upang sa bandang huli, maipagmamalaki ako ng aking mga magulang, mga kapatid, at mga mahal sa buhay.
Sa bandang huli, alam kong malalasap ko ang matamis na  halimuyak sa rosas ng buhay.

 :)

No comments:

Post a Comment

Thank you for this comment. Your opinion counts!