Sep 19, 2011

Medalya at Pag-asa


Aminin man natin po o hindi, bawat isa ay may itinatagong lihim. Mga lihim na maaring gusto mong ibaon sa limot at muling mamuhay nang payapa, taliwas sa nangyari sa nakaraan. Ngunit, hindi maikakaila na minsan sa iyong buhay, ay namamayani ang kakaibang pakiramdam na wari ay dinuduyan ka sa langit.

Oo, maaring nagkamali ka ngunit ang katotohanang ikaw ay naging masaya minsan ay isang maipagmamalaki mo at maihaharap na naging matagumpay ka. At ito ang kwento ng aking pagbangon mula sa pagkawasak ng aming pamilya. Ito ang hindi ko malilimutang daloy ng aking buhay na tumatak na sa kaibuturan ng aking puso at diwa.

Magandang araw po sa inyo! Tawagin n’yo po akong si Rey, 22 years old, isang young professional mula sa Dumaguete City.

Nais kong ibahagi sa inyo ang kwento ng aking buhay at nawa ay mapupulotan ng inspirasyon at leksyon lalo na sa mga pamilyang Pilipino at mapaghuhugutan ng inspirasyon ng mga kabataan.

Bata pa lang kami ay binuhay kaming limang magkakapatid sa wastong pag-uugali, at may takot sa Diyos. Kaya naman mula sa panganay na anak hanggang sa pinakabunso, kaming lahat ay may respeto sa isa’t isa at masisipag sa pag-aaral.

Sa katunayan, bagamat lampara lamang ang nagsisilbing ilaw sa aming bahay, maituturing pa ring masaya at kaaya-aya ang aming munting pamilya.

Sa kanyang pagiging magsasaka, naitaguyod ni Itay ang aming pamilya. Habang abala si Inay sa pag-aalaga sa amig magkakapatid, todo kayod naman si Itay sa kanyang pagsasaka.

Dahil sa gipit ng panahon, kinailangan naming umalis sa kinagisnan kong lupa at manahanan na sa Dumaguete City. Taong 1996 ang kauna-unahan kong dating ditto sa Dumaguete. Kaiba sa nayon, malapit kami sa sibilisasyon kaya naman kahit mahirap, madali lang naman palang makibagay sa siyudad. Mula noon, nasanay na kaming mag-anak at mas napabuti pa naming mga anak ang aming pag-aaral.

Datapwat mahirap lamang ang aming pamilya hindi iyon naging hadlang upang makapag-aral kaming magkakapatid. Bagkus ay naging kilala kami sa aming pinapasukan kasi lahat kami ay biniyayaan ng matalinong pag-iisip. Masasabi kong ang kahirapan ay hindi hadlang upang makatapos ng pag-aaral kasi sa akin mismo nangyari ang ganitong karanasan. Pinuri ako ng mga guro, principal at mga opisyal ng barangay dahil sa extraordinary performance na ipinamalas ko sa aking pag-aaral. Sa katunayan, ako ang karaniwang ginawang halimbawa ng mga guro sa kanilang pag-iinspire sa mga mag-aaral sa school naming noong nag-aaral pa ako. Kahit wala akong baon sa eskwela, patuloy pa rin ang aking pagpupursige. Minsan, umiinom na lang ako ng mga tubiog sa gripo upang may maipasok sa aking tiyan sa panahon kung ako ay nagugutom sa paaralan. Wala rin kaming kuryente sa bahay kaya pinagtiisan kong mag-aral ng mga aralin sa gabi gamit lamang ang isang lamparilya.

Ako ang pambato n gaming paaralan sa tuwing may mga paligsahan sa DepEd kaya naman aktibo ako at ulirang mag-aaral. Dahil sa mga napanalunan kong kompetisyon, nakarating ako sa mga lugar tulad ng Cebu City at Bohol- bagay na ikinakatuwa at maipagmamalaki ko at n gaming pamilya. Liban sa curricular activities, naging aktibo rin akong kasapi ng school paper at pupil government kaya naman ako ang inaasahan nila sa mga ganito at iba pang larangan mula elementary hanggang haiskul. Nagbunga naman talaga ang aking pagsisikap. Sa kabila ng aming kahirapan, ako ang pinarangalan bilang valedictorian sa elementary and high school. Nakamit ko rin ang marami pang parangal katulad ng Leadership Award, Senate Medal on Academic Excellence, at marami pang iba.

Sa kabila ng ganitong mga papuri at magandang karanasan, hindi pa rin nagbago ang pagiging mabuting Kristiyano, ulirang anak, at kapatid.

Ngunit nasubok ang aking katatagan ng loob noong biglang nagkasakit si Itay. Napag-alamang mayroon siyang dinaramdam kaya’t hindi na pinayagan ng doctor na magtrabaho. Sa loob ng dalawang taon, nakaratay siya sa kama. Upang matustusan ang aming pangangailangang mag-anak, namasukan bilang kasambahay an gaming Ina. Siya ang tumatayong haligi at ilaw ng tahanan sa mga panahong iyon.

Nagsimula ang dagok ng aming pamilya sa mga panahong yaon. Masakit isiping nakaratay ang ama mo sa kama at hindi mo maipapadamang mahal mo siya at maswerte ka bilang anak na siya ang iyong ama. hindi ko iyon nasabi sa aking Itay. Pinakamasakit ay noong ginawaran ako ng mga parangal at nagbigay ako ng aking Valedictory Speech sa high school na hindi siya naming kapiling. Mga anim na araw matapos kong diniliver ang speech nay un ay pumanaw si Itay.

Nasa pagdadalamhati apa ang aming pamilya noon nang bigla ay nagulantang kami sa panibagong pagsubok. Namasukan ako bilang working student upang may maipantustos sa aking pag-aaral sa kolehiyo maliban sa scholarship na aking natanggap. Sa kasawiang palad, hindi pa man natapos ang isang buwan mula noong nailibing si Itay ay napag-alama kong may kinakasama nang ibang lalaki si Mama. Gusto kong maiyak sa nangyari. Ramdam ko ang sakit, poot at galit. Naulila kami at napahiya.

Ang masama ay nagtanan sina Mama at napabayaan kaming magkakapatid na hiwa-hiwalay.

Akala naming hindi na kami babalikan pa ng Mama namin. Isang araw, bumalik siyang luhaan sapagkat yung kanyang kinakasama ay may sarili na palang pamilya. Wala siyang ibang choice kundi balikan kami. Tinanggap naman naming siya nang buo dahil anuman ang nangyari, hindi maialis na siya pa rin ang aming Ina. Akala naming nagbago na ang Inay. Hindi pala, nakikipaglambingan na naman siya sa ibang lalaki. Masakit bilang anak na nakikita ang iyong sariling ina na nakikipaghalubilo, naklikipag-inuman sa mga tambay na lalak, gabi-gabi.

Ang masaklap, nagkaroon siya ng karelasyon at nagbunga ang kanilang kamunduhan. Nagkaanak si Mama at isang malusog na batang babae ang naging bago naming kapatid. Noung una ay hindi siya naming natanggap ngunit habang lumilipas ay tinanggap na siya naming nang buo.

Bagamat walang komprontasyong naganap sa pagitan naming mga anak niya at sa kanya bilang aming ina, ipinagdarasal ko na Diyos na ang bahala sa lahat.

Isang araw, isinugod si mama sa ospital sapagkat nanghihina at nahihirapan siyang huminga. Hindi ko alam ang nangyayari ngunit habang isinugod siya sa ospital ay para akong walang pakialam sa paligid, nagmamakaawa upang mabigyang-lunas kaagad ang noon ay nag-aagaw-buhay naming Ina. Sa emergency room, mabilis kong tinawag ang crew na mag-rereceive kay mama sapagkat hindi na ito humihinga.Matagal ding naagapan si Mama at noon ay grabeh ang aming pagdarasal. Pinagalitan ako ng doctor sapagkat malalang-malala nap ala si mama. Ang inisyal na diagnosis ng doctor ay sakit sa puso an komplikado ang sanyang sakit. Ayon sa doctor, kung hindi agad naagapan ay maaring patay na si Mama.

Wala kaming pera sa pagkakataong iyon ngunit buo ang aking tiwala sa Diyos na Siyang tutulong sa amin. Siya naman talaga ang pinaghugutan ko ng lakas simula pa man noon. Umabot din ng halos tatlong lingo kami sa ICU. Wala kaming pera, walang-wala talaga ngunit lahat ng gastos- gamot, medisina at laboratory ay naprovide ng Panginoon. Kung saan-saan ako napunta, ginawa ko lahat ng magagawa ko upang makahanap ng pera. Pinasok ko ang kapitolyo, city hall, at mga kakilala ko sa paaralan at maging ang local na radio ay nakapag-abot ng tulong. marami akong hindi kkilala ngunit napakaganda at napakabuti ng Panginoon sapagkat ginamit niya ang maraming tao bilang instrument upang matulungan kami.

Anuman ang kanyang kasalanan, hindi naming naitakwil ang aming ina. Bagkus, naipadama naming sa kanya ang noon ay gusto naming ipadama kay Itay noong nabubuhay pa ito. Ang ilang araw na pamamalagi naming sa ospital ay parang isang rehabilitasyon upang maayos ang noon ay wasak na pagsasamahan naming mag-anak. Pinatawad naming ang mama at minahal nang buo. Bawat tao ay may panahon upang magbago.

Ngayon, tahimik na ang aming pamumuhay. Nakatapos ako sa pag-aaral ko at nagkaroon ng isang trabaho bago pa man nakagraduate. Mas maganda ang aming pakikitungo sa isa’t isa. Salamat sa Diyos na Siyang nagbigay pag-asa upang arapin ang panibagong buhay. Sila ang nag-abot ng kanilang tulong upang maipadama sa aming magkakapatid na may tunay kaming pamilya. Salamat sa mga taong naging bahagi upang maging matiwasay ang aming buhay.Kung naging mahina kami sa pangungutya ng ibang mga tao laban sa kahihiyan ng aming pamilya, maaring hindi kami ganito katatag ngayon. Nawasak man ang noo’y wagas na pagmamahalan, ngayon ay muling nabuo ang aming pamilya dahil sa matapang na pagsuong sa apoy ng buhay. Muli kaming babangon dala ang pag-asa. 

2 comments:

  1. nice one.. keep up the faith bro!!!

    ReplyDelete
  2. nakakaantig-damdamin... sana patuloy mio faith ke God

    ReplyDelete

Thank you for this comment. Your opinion counts!