Nov 4, 2018

SPOKEN WORD POETRY: BUMABANGON


Katha ni: JUNREY BELANDO


Wala akong pakialam, wala na akong nararamdaman
Wala na akong dapat balikan pa, kaya’t wala na rin dapat pag-usapan
Wala na akong sasabihin sapagkat itong puso’y kumbinsido na
Kumbinsido na itong puso’y babangon muli mula sa pagkalugpok
Babangong muli mula sa kanyang pagkamarupok

Kaya’t kahit na tila walang tigil itong mga dagok
Na pilit sumisira sa dating matibay na kahibangan
Ngayon itong puso ay pilit na lumalaban
Lumalaban tayo, lumalaban itong pusong lugmok na lugmok sa kahibangan.

Ayoko na, ayokong-ayoko nang balikan pa
Mga masasayang araw, gabi at oras
Mga dating kaligayahan na sa ngayo’y nakabaon na lamang 
sa alaala ng kahapon.

Ayoko na, ayoko na!
Iyan ang mga katagang nasa aking isipan
Iyan ang mga katagang bumabalot sa aking katauhan
Iyan ang mga katagang nais kong paniwalaan at aking paninindigan
Dahil sa sakit ng dating pag-ibig na puno ng kahibangan.

Ngunit bakit hanggang ngayon ay tila umaasa pa rin
Bakit hanggang ngayon ay umaasa pa din
Bakit naglalaro sa aking isipan na muli ay siya’y makapiling?
Bakit tila ang puso’y hindi natuto sa dinanas na sugat at kabiguan din…

Haaaay! teka muna at itigil na nga. tandaang lahat ng dati ay pawang kahibangan lamang
Kahibangan na sa aking damdamin ay tila bumubulag nang buong tapang
Kahibangan lamang na nais kong wakasan at iwanan nang tuluyan
Ngunit bakit? Bakit may isang tinig o damdamin pa ring pilit umaasa
Umaasang may mangyaring maganda gayong wala naman talagang pag-asa
Pag-asa? Oo, umaasa. Bakit itong damdaming sawi
Ay hindi pa rin mapakali? Bakit umaasa pa rin na  may maganda pa ngang mangyayari?
Bakit tila hindi natuto ang puso sa gitna ng naranasang pasakit?

Puso, tama na. Bumangon ka’t idilat ang mga mata
Sa katotohanang sa pagitan ninyong dalawa
Ay ikaw lang naman ang umaasa
Tanggapin ang katotohanang ang lahat ng iyon 
Lahat ng mga iyon...ay wala lang naman pala sa kanya.

No comments:

Post a Comment

Thank you for this comment. Your opinion counts!